Monday, August 29, 2011

HANGGANAN NG PANGARAP


Maliwanag ang gabi sapagkat ang kalangitan ay nasisinagan ng mapagmalaki at bilog na bilog na buwan. Nakikisabay ang pagdapyo ng malambing na hanging amihan, ang katahimikan ng gabi at ang kislap ng di mabilang na mga bituin sa aking malalim at walang patutunguhang pag-iisip.

Nakadungaw ako sa bintana nang lumapit ang aking inang bakas ang kalungkutan sa mukha. “Anak, matulog ka na at huwag ka nang mag-isip, maaayos din ang lahat”, wika niyang tila naaawa sa akin bilang isang ina ng anak na akala niya’y magiging matagumpay sa lahat ng aspekto ng buhay. Sumagot ako ngunit hindi ko namalayang pumatak ang aking luha. Pilit kong itinago ang noo’y nagpupumiglas na kalungkutan at paghihinagpis sa aking dibdib. Kinimkim ko ang daang-daang hinanakit sa sinapit ng aking buhay.

Noo’y isa lamang akong mag-aaral na nangarap makapagtapos. Kasama ang aking mga kaibigan at kamag-aaral ay naging makulay at mapangako ang aking pag-aaral. Naramdaman kong nang mga taong iyon ay taas-noo ang aking mga magulang na ipinagmamalaki ako sa bawat nakakaharap nila. Sila na raw ang pinakamaligayang magulang dahil sa kabila ng mga pagsusumikap at sakripisyo ng aking amang nalayo sa amin ay nagbunga naman ito ng tagumpay. Ngunit ang hindi nila alam, ang huling taon ko sa kolehiyo ay batbat rin pagpapakasakit at pagsasakripisyo upang mapagbigyan ko ang kagustuhan ng aking mga magulang. Kahit alam kong para sa akin ang edukasyon na iyon ay naging sanhi pa rin ng pagkabigo sa tinatanaw kong pinakamalaking pangarap ko sa buhay, ang makapiling si Kiyel.

“Sumama ka na sa ‘kin, ikaw muli ang aking pipiliin. Isasama kita sa amin sa Pampanga. Mahal kita. Ayokong magpatali kay Teresa. Ang ina niya lamang ang may kagustuhan noon at natukso lamang ako sa kanya. Ikaw ang mahal ko at ikaw ang gusto ng pamilya ko para sa akin.” Nauulinagan ko pa ang pagsusumamo niya at ang pagluha ko ngunit sa kabila ng nararamdaman kong pagmamahal at takot na mawala siya sa akin ay naging matatag pa rin ako sa aking desisyon. Hindi ako sumama sa kanya ngunit nag-iwan ako ng isang pangako na huwag lamang siyang magkakaroon ng anak sa babaeng iyon ay babalikan ko siya matapos ang aking pag-aaral. Alam ko ng mga oras na iyon na imposible ang aking hinihiling dahil tiyak na sa isang taon na iyon ay mapapalapit at mamahalin na rin niya si Teresa.

Lumipas ang isang taon at tuluyan na akong naduwag sa pag-ibig na iyon. Lalo pa’t nalaman kong nagbunga ang kanilang pagsasama. Kahit dumating ang ilang pag-asa upang kami’y magkasamang muli pilit kong tinahak ang landas na wala akong matatapakan at masisirang kinabukasan. Pinilit kong maging matuwid kahit pa iyon ang aking pangarap. Hanggang sa ako’y nagkaroon na rin ng sariling pamilya.

Naging maligaya ako sa aking anak ngunit bakit di ganap ang kaligayahang iyon sa aking kabiyak. May mga gabi na napapanaginipan ko noon si Kiyel lalo na kung ang puso ko ay puno ng paghihinagpis dahil sa mga problema at pagsubok na tila hindi naging magaan kailan man kahit pa may katuwang ako sa mga iyon. Pilit kong tinakpan ang damdaming iyon, pinilit ko ang puso kong maniwala na si Luis na ang aking mahal, sinubukan kong maging ginto ang bawat pahina ng aking buhay kasama siya ngunit naging hungkag lamang din ang lahat.

“Ate, nabalitaan mo na ba?” tanong ng aking bunsong kapatid.

“O, bakit ka narito? Akala ko’y sa Bicol kayo magpapasko kasama ang mga biyanan mo?” ang tanong ko kahit ang mata ko’y tila isang bombilyang aandap-andap. Hindi ko namalayang nakasama ko na sa pagtulog ang mga alaalang iyon.

“Hindi na kami tumuloy ni Aaron dahil sinabi ko nga sa kanya na andito ka na ngayon sa Victoria. Kaya nag-request ako sa kanya na rito na muna kami magpasko. Unang-una dahil gusto kitang makasama ate. Hindi ko kaya na makita kang ganyan. Akala ko, wala na kayong problema ni kuya Luis. Bakit ngayon pa na maiidad na kayo? Twenty-three years ang tiniis nyong mag-asawa at kung kailan si Luisa ay isa na ring propesyonal saka pa kayo naghiwalay. Bakit ate?”

“Tiniis ko ang lahat Malou para lamang mapabuti ang aking pamilya. Gusto kong makatapos si Luisa at pinilit kong itama ang lahat para hindi magkaroon ng problema upang sila nanay ay hindi rin maging malungkot dahil sa sasapitin ko. Ngunit, Malou ang lahat ay hungkag. Nararamdaman iyon ni Luis kaya nang makatapos na si Luisa at alam kong kaya na niyang intindihin ang lahat nag-usap na kami ni Luis at kinausap din namin si Luisa upang maunawaan niya ang lahat. Matalino si Luisa at alam kong naintindihan niya ako.”

“Kaya ba siya nangibang bansa at doon hinahanap ang kanyang kapalaran?”

“Napakasakit rin para sa akin Malou ngunit kailangan kong hayaan siya. Ayokong ma-pressure siya at gumawa ng desisyon na pagsisisihan niya rin sa bandang huli. Gusto kong maramdaman niya na kung saan siya magiging masaya yon ang piliin niya. Ayokong matulad siya sa akin na iniisip ang sasabihin ng ibang tao. Kaya naman noon ay mas pinili ko na lang magpakasal kaysa pagtsismisan na nabuntis ako. Huli ko na nang malaman na sinabi pala ni Tatay kay ate na payag naman siya kung sakali di ko gustong magpakasal. Nagsisi ako noon sapagkat naduwag na naman ako sa pangalawang pagkakataon na alam kong kapalaran ko na ang nakataya.”

“Ngunit ate matagal na iyon, huwag ka nang humanap ng masisisi pa. Ang lahat ay nangyari dahil iyon ang kapalaran mo.”

“Ano nga bang magagawa ko, hindi ba’t tinanggap ko na nga ang aking kapalaran? Naging mabuting mga magulang si Nanay at Tatay at hindi ko sila sinisisi sa pangyayaring iyon. Walang ibang may kasalanan kundi ako. Ang aking kawalan ng lakas ng loob na ipaglaban ang tunay kong nararamdan. Ngayon pa kung kailan nasa katanghilaan na rin ako ng aking buhay. Ito ang bunga ng aking pagkaduwag ang mawalan ng silbi bilang anak at ina ng aking anak. Ito ang silbi ko ang mangulila at mawalan ng matatawag na pamilya. Ito ang bunga ng aking pinili, ito ang bunga ng aking pagsusumakit at ng pagsunod ko sa inakala kong tama.”

Pumatak na naman ang luha ngunit sa pagkakataong ito ay walang tigil sa pag-agos. Para bang ang mga pangyayaring iyon ay kailan lamang naganap. Nawala sa isip ni Malou ang kanyang sasabihing balita dahil unti-unti ay nangingilid na rin ang kanyang luha. Ako lamang sa aming magkakapatid ang hindi nagtagumpay sa pamilya. Ako lamang ang hiwalay na sa asawa kaya ang atensyon ng apat kong kapatid kasama ang aking ama at ina ay nakatuon sa akin. Matagumpay kong natapos ang larangan pinili ko, nakapagtrabaho ako sa isang restaurant noon bilang isang manager. Ngunit, pinili ko na ring bitawan ang posisyong iyon. Ngayon isa na akong pabigat sa king ama at ina. Ngunit, pilit nila kong iniintindi at sa kabila noon ay ramdam ko ang kanilang pagsisisi. Marahil dahil kahit naging mabuti silang mga magulang ay nagkulang sila sa pakikipag-usap sa akin bilang anak. Hindi nila ako kinilala ng lubusan, hindi nila inalam ang tunay kong nararamdaman. At ako naman bilang anak ay nagkulang din sa pagsasabi sa kanila ng aking tunay na gusto at nararamdaman dahil lamang sa ayokong mapahiya sa kanila. Hindi ko nais na ang mga iyon ang danasin ng kaisa-isa at pinakamamahal kong anak, si Luisa.

Pinutol ni Malou ang kalungkutan iyon at nag-aalinlangang ibinalita sa akin ang di ring inaasahang paghihiwalay raw ni Kiyel at Teresa. Hanggang ngayon ay hindi sila ipinakasal ng mga magulang ni Kiyel dahil hanggang sa mga oras na ito ay hindi nila matanggap si Teresa. Naramdaman ko ang biglang pagpintig muli ng aking puso at nabuhay muli ang aking pag-asa ngunit magkahalong kasiyahan at kalungkutan ang aking nararamdaman. Kasiyahan sapagkat malaya na ako at ang lalaking pinakaiibig ko. Natatanaw ko ang pag-asang muli kaming magkasama. Kalungkutan dahil hanggang sa mga oras na iyon ay panaginip na lamang ang nag-uugnay sa amin ni Kiyel. Matagal ko ng pinutol ang komunikasyon naming dalawa. Dalawampung taon ko na rin iniwasang maugnay sa kanya. Gusto kong maging maligaya ngunit alam ko na ang pagmamahal niya noon sa akin ay naglaho na. Marahil hanggang sa ako’y tuluyan nang tumanda ay mananatiling panaginip na lamang ang nag-uugnay sa amin.

Maligaya na sana sapagkat nakuha ko na ang pagsang-ayon ng aking mga magulang. Ganap na nilang naunawaan ang lahat ngunit natapos ang usapan namin ni Malou nang nakabitin ang mga katanungan.

Gabi na muli ngunit kaiba sa nakalipas na gabi. Ang ulan ay walang tigil sa pagpatak. Nakatanaw muli ako sa bintana habang nag-iisip kung anong gagawin para sa kinabukasan. Ang totoo naunawaan ako ni Luisa ngunit may kirot sa puso niya sapagkat pangarap niya pa ring magkaroon ng masayang pamilya. Ngunit dahil sa aking kahangalan, pinilit niyang lumayo nang may hinanakit sa amin ni Luis. Gusto raw muna niyang makalimot at humanap ng trabaho sa ibang bansa upang doo’y buuin ang kanyang sarili. Muli paulit-ulit kong ipinahid ang nanginginig kong kamay sa walang disiplinang luha.

Sa di kalayuan natanaw ko mula sa bintanang iyon ang isang lalaki na pamilyar sa akin. Ang tindig niya at ang may katabaan niyang katawan dala na rin ng nagbago na niyang edad. Nasisiguro ko kung sino ang lalaking iyon, hindi lang sa anyo pati na rin sa nagbagong pintig ng aking puso. Sa kalakasan ng ulan na iyon ay dahan-dahang akong nanaog sa hagdan. Binuksan ko ang pinto at mabilis akong tumakbo patungo sa kinatatayuan ng lalaking iyon.

“Anong nangyari sa atin?” Agad niyang nasambit matapos ang mahabang katahimikan. “Hindi ko rin alam,” gulong-gulo ang aking isip at hindi ko alam kung saan magsisimula.

“Mahal pa rin kita. Pinilit kitang kalimutan pero ikaw parati ang nagiging sanhi ng madalas naming pagtatalo ni Teresa. Parati kitang inihahambing sa kanya. Gulong-gulo ako ngunit nanatili lang ako sa kanya para sa aking mga anak. Sana ikaw na lang ang pinaglaanan ko ng buhay. Parati kong iniisip na kung ikaw ang kasama ko hindi magiging mapait ang bawat araw.”

Bigla akong natigilan, akala ko ay hindi na niya ako mahal. Pareho kami ng nararamdaman at pinagdaraanan. Biglang-bigla ay nakisabay ang pagtigil ng ulan sa mundong para sa aming dalawa ay tumigil.

“Maa…maaari ba kitang yakapin nang mahigpit kahit ngayon lang.” Ang pagsusumamo ni Kiyel.

Niyakap niya ako. Mahigpit. Ibinalik ko ang pagmamahal na iyon. Mahigpit. At doon naunawaan namin ang damdamin ng bawat isa. Hindi ko na namalayan ang nangyari pa sa paligid. Hindi ko na rin napansin ang mga katawan naming basang-basa dahil sa pagsugod sa ulan nang gabing iyon. Ngunit ang lahat ay hanggang sa sandaling iyon na lamang. Masakit ngunit ang desisyon na pareho naming nabuo ay para sa ikakapanatag ng aming mga puso. Dumating muli ang pag-asa ngunit pareho namin itong tinalukuran sapagkat ano pa man ang aming gawin ang lahat ay wala na rin patutunguhan. Isa lamang ang naunawaan ko hindi naging hadlang at hindi magiging hadlang ang distansyang pilit na naglalayo sa amin upang mahalin namin ang isa’t isa. At ang kasiguraduhan lamang na nabuo ko’y ang pagpapatuloy ng buhay at pag-iintay sa pag-asang sa kabilang buhay ay magiging malaya na kami. Ang kabilang buhay na magiging hangganan ng pinakaiintay kong pangarap, ang makapiling ang tanging taong pinaglalaanan ko ng pag-ibig.

Sunday, July 25, 2010

Ina ng Paaralan
Naging mabuti at masipag na punong guro si Ma'am. Inalagaan niya ang paaralan na parang tunay niyang tahanan kahit nga lumipas ang mga taon na nagkakaroon ng maraming suliranin. Inilaan niya ang serbisyo at pagmamahal niya para sa paaralang naging bahagi ng kanyang buhay. Bihira lamang ang taong maglalaan ng lubos na oras sa kanyang hanapbuhay, kaya naman talagang pambihira ang paghanga ko sa aming ina.
May mga pagkakataon na ang ginagawa niya ay hindi nauunawaan ng marami ngunit alam naming ito ay para lamang sa kabutihan ng lahat. Tulad ng isang ina, hindi niya hinahayaang maligaw ang kanyang mga anak ng landas kaya't ganon na lamang ang kanyang pagpapayo at pangangaral sa bawat isa sa tuwing kami'y nagkakamali. Isang ina ng paaralan na naging magandang halimbawa sa bawat isa. Ngunit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay naipadadama namin ang pasasalamat... kaya naman kahit dito ay maipadama ko sa kanya ang aking pagmamahal at pasasalamat sa naging ina ng aming paaralan.
Salamat Ma'am Mercado, patuloy nawa kayong pagpalain ng Panginoon...

Monday, January 4, 2010

Ang Ina

Dalawampu't limang taon ng aking buhay ang lumipas. Dalawampu't tatlong taon ang nasayang sa pagpapalampas ko ng pagkakataon na maipadama sa aking ina ang pagmamahal ng isang anak. Ang mga lumipas na taon ay puno ng pagtatampo, inis, selos, awa sa sarili at hindi pagpapahalaga sa aking ina. Kayraming oras ang sinayang ko upang sumbatan at awayin ang aking mahal na nanay dahil sa mga pagkakataong pakiramdam ko ay di niya ako mahal.
Naging mas mahalaga sa akin ang mga kaibigan dahil pakiramdam ko noon sila ang totoong nagmamahal at nakakaunawa sa akin. Sa mga pagkakataong iyon di ko nauunawaan kung gaano ako kamahal ng aking ina sapagkat di ko siya pinakikinggan. Wala akong pinakikinggan noon kundi ang bugso ng aking damdamin, ang sigaw ng aking puso at pagpupumiglas ng aking kalooban. Nais kung makalaya tulad ng isang ibon na lumilipad sa himpapawid, walang nakikialam sa kanyang patutunguhan. Ayokong makinig noon sa aking ina sapagkat ang alam ko ako ang tama.
Ngayong isa na rin akong ina, dun ko lang naunawaan kung paano maging isang ina. Minahal ko ang aking ina ng lubos na di ko pa naramdaman sa mga nakalipas na taon. Ngayon ko naunawaan ang lahat ng ginawa niya para sa kin. Ang lahat ng sermon niya na noo'y kinaiinipan kong pakinggan ay naintindihan kong para lahat sa akin upang di ako magaya sa isang ibong malaya na minsa'y naliligaw at nawawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Ganun pala ang totoong pagmamahal tulad ng sa isang ina... tulad ng kay nanay. At ngayon, sa bawat paglipas ng araw nais kong matakpan ang mga taon na di ako naging mabuti sa kanya, nais kong bawat minuto ay sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal, kung gaano ko pinagsisisihan ang mga oras na nasayang na hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Nais kung halikan siya nang halikan upang ipadama sa kanya ang ilang taong ipinagkait ko ang aking halik.

Thursday, September 3, 2009

Working Mom


Sometimes, I’ve got a lot work to do but because Kai wants attention, inuuna ko siya. Ang hirap kapag nagtatrabaho ka at the same time kailangan mo rin bigyan ng pansin ang anak mo. Sa nature ng work ko halos nakakasawa rin naman mag-intindi ng anak ng iba while I have a daughter na nangangailan ng pagmamahal at atensyon ko. I’m teaching to someone else daughter and son while somebody’s teaching to my daughter. Minsan nakakaguilty kasi nga napapabayaan ko si Kai, lalo na non nahulog siya from bed kasi pilit niya akong tinatawag eh ako naman nagpapakahard work na hanggang sa bahay dinala ko pa trabaho ko sa school. Sobrang nasaktan ako at gusto ko na ngang iuntog ang ulo ko sa pader that time. But I have to understand na minsan you have to sacrifice your own time for the sake of my students.