Dalawampu't limang taon ng aking buhay ang lumipas. Dalawampu't tatlong taon ang nasayang sa pagpapalampas ko ng pagkakataon na maipadama sa aking ina ang pagmamahal ng isang anak. Ang mga lumipas na taon ay puno ng pagtatampo, inis, selos, awa sa sarili at hindi pagpapahalaga sa aking ina. Kayraming oras ang sinayang ko upang sumbatan at awayin ang aking mahal na nanay dahil sa mga pagkakataong pakiramdam ko ay di niya ako mahal.
Naging mas mahalaga sa akin ang mga kaibigan dahil pakiramdam ko noon sila ang totoong nagmamahal at nakakaunawa sa akin. Sa mga pagkakataong iyon di ko nauunawaan kung gaano ako kamahal ng aking ina sapagkat di ko siya pinakikinggan. Wala akong pinakikinggan noon kundi ang bugso ng aking damdamin, ang sigaw ng aking puso at pagpupumiglas ng aking kalooban. Nais kung makalaya tulad ng isang ibon na lumilipad sa himpapawid, walang nakikialam sa kanyang patutunguhan. Ayokong makinig noon sa aking ina sapagkat ang alam ko ako ang tama.
Ngayong isa na rin akong ina, dun ko lang naunawaan kung paano maging isang ina. Minahal ko ang aking ina ng lubos na di ko pa naramdaman sa mga nakalipas na taon. Ngayon ko naunawaan ang lahat ng ginawa niya para sa kin. Ang lahat ng sermon niya na noo'y kinaiinipan kong pakinggan ay naintindihan kong para lahat sa akin upang di ako magaya sa isang ibong malaya na minsa'y naliligaw at nawawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Ganun pala ang totoong pagmamahal tulad ng sa isang ina... tulad ng kay nanay. At ngayon, sa bawat paglipas ng araw nais kong matakpan ang mga taon na di ako naging mabuti sa kanya, nais kong bawat minuto ay sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal, kung gaano ko pinagsisisihan ang mga oras na nasayang na hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Nais kung halikan siya nang halikan upang ipadama sa kanya ang ilang taong ipinagkait ko ang aking halik.